News and Events

Run for Rice Oksi 2025: Fun Run para sa Masaganang Ani at Masustansyang Bukas, Matagumpay na Idinaos sa Murtha, Occidental Mindoro

Run for Rice Oksi 2025: Fun Run para sa Masaganang Ani at Masustansyang Bukas, Matagumpay na Idinaos sa Murtha, Occidental Mindoro

Mahigit 130 kalahok mula sa iba’t ibang ahensya, barangay, at organisasyon ang nakiisa sa matagumpay na pagsasagawa ng “Run for Rice Oksi: Para sa Masaganang Ani at Masustansyang Bukas” noong Nobyembre 24, 2025, sa APCO Office, Murtha, Occidental Mindoro bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Rice Awareness Month (NRAM).

Ang aktibidad ay dinaluhan ng 11 Agricultural Extension Workers (AEWs) mula sa MAO-San Jose, 21 opisyal mula sa Barangay Murtha at Camburay, 81 kawani ng APCO, 7 kinatawan mula sa DA-MIMAROPA Regional Office—kabilang sina RTD Ma. Theresa Aguilar, Ronald Degala, Marissa Vargas, Crischelle Guinto, Meynard Alcobera, Leofred Ganibo, at Ma. Teresa Altayo—pati na rin 10 bisita mula sa iba’t ibang sektor.

Pagtakbo Para sa Bigas, Pagtakbo Para sa Bayan

Sa temang nakatuon sa pangangalaga at pagpapahalaga sa bigas, layunin ng fun run na palakasin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng rice sustainability, suportahan ang lokal na magsasaka, at itaguyod ang matalinong pagkonsumo ng bigas upang mabawasan ang food waste.

Kasabay ng sama-samang pagtakbo, ipinaabot ng mga kalahok ang mensahe ng komunidad—ang pagiging “riceponsable” o responsable sa pagkonsumo ng bigas, na layuning isulong ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng Be Riceponsible Campaign. Sa kampanyang ito, binibigyang-diin ang pagkain nang sapat, pag-iwas sa pag-aaksaya, pagpili sa lokal na bigas, at pagkilala sa mahalagang ambag ng mga magsasaka sa seguridad sa pagkain ng bansa.

Masayang Palaro, Mas Malalim na Kaalaman

Upang higit pang maging makabuluhan ang selebrasyon, isinagawa rin ang iba’t ibang fun games na tumutugma sa temang pang-agrikultura—gaya ng “Magtanim Ay Di Biro Relay,” “Palay-Bigas Sorting Challenge,” at rice trivia games. Nagdulot ang mga ito hindi lamang ng kasiyahan kundi pati ng dagdag kaalaman sa sektor ng bigas, mula produksyon hanggang wastong pagkonsumo.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni RTD for Research and Regulations Ma. Theresa Aguilar ang katatagan at determinasyon ng mga Pilipino, lalo na ng mga magsasaka:

“What we did kanina is a perfect picture of resilience: you know Filipinos to be very resilient. Kahit pagod na pagod na tayo, kahit tayo na lang ‘yung natitira, pinipilit pa rin natin matapos para sa finisher shirt. ‘Yon ‘yung klase ng example ng resilient, and that is the future of our farmers—yung tipong araw-araw na trabaho, hindi tumitigil, nalulugi pero tuloy pa rin, hindi sumusuko.”

Ang pahayag ay muling nagpaalala sa kahalagahan ng pagtitiyaga, pagsisikap, at patuloy na kooperasyon upang makamit ang mas mataas na antas ng rice self-sufficiency sa bansa.

Ang Run for Rice Oksi ay isa sa mga pangunahing aktibidad ng lalawigan sa paggunita ng National Rice Awareness Month, na idineklara sa bisa ng Proklamasyon Blg. 524, s. 2004 ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Layunin nitong palawakin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng bigas, lalo na sa mga isyu ng kahirapan at kakulangan sa pagkain, at itaguyod ang pagkakaroon ng matatag na suplay ng bigas sa bansa.

Sa pagtatapos ng programa, nagpahayag ang mga kalahok ng kanilang patuloy na suporta sa mga adbokasiya ng Department of Agriculture, lalo na sa pagpapataas ng produksyon, wastong pagkonsumo, at pagpapanatili ng kultura ng pagiging riceponsable—isang hakbang tungo sa masaganang ani at masustansyang bukas para sa bawat Pilipino.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.