News and Events

Proyektong pangkabuhayan mula sa SAAD, pinalago ng mga magsasakang Agutaynen sa Palawan

Proyektong pangkabuhayan mula sa SAAD, pinalago ng mga magsasakang Agutaynen sa Palawan

Sa malayong isla ng Agutaya, Palawan, isang grupo ng mga Agutaynen na magsasaka ang nagpatunay na kayang umunlad kahit sa pinakamalayong bahagi ng bansa kapag may pagkakaisa at tamang suporta.

Ang Abagat Bangcal Cambian (AbBaCa) Farmers Association, na binubuo ng mga katutubong Agutaynen, ay matagumpay na napalago ang Ready-to-Lay (RTL) Chicken (Egg) Production Project mula sa Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2 ng Department of Agriculture. Ang dating simpleng tulong sa kabuhayan ay naging matagumpay na negosyo — simbolo ng tiyaga at pagtutulungan ng mga miyembro.

Pagpapalago ng suportang natanggap

Itinatag noong 2023, ang AbBaCa FA ay isa sa apat na grupong tinulungan ng SAAD sa Agutaya. Sa isinagawang Beneficiary Needs Assessment (BNA), napili ng samahan ang egg production bilang kanilang proyekto.

Mula 2023 hanggang 2025, tumanggap sila ng kabuuang Php 2,781,997 na halaga ng mga interbensyon kabilang na ang RTL chickens, kulungan, feeds, vitamins, gamot, at iba pang gamit sa pag-aalaga ng manok.

Dahil sa sama-samang pagsisikap at sipag ng mga miyembro, naging matagumpay ang proyekto. Sa loob ng halos dalawang taon, mula Disyembre 2023 hanggang Setyembre 2025, naka-produce sila ng 137,442 na itlog at kumita ng Php 1,289,085. Matapos ibawas ang Php 500,039 na gastos, nagkaroon ang samahan ng Php 789,046 net income.

Epektibong sistema sa pamamahala 

Para sa AbBaCa FA, ang tagumpay ay hindi lang basta kita. Mas pinahalagahan nila ang sustainability at maayos na pag-aalaga sa kanilang mga manok.

Saad ni Gng. Rosela Bacosa, presidente ng asosasyon, “Pagdating sa kaperahan, kailangan natin [na] maging kuripot, subalit kung para sa mga alagain [ay] kailangang mabigyan natin sila ng tamang pagkain at tamang gamot. Kung ibibigay na natin yong kabahagi ng isang miyembro, hindi natin masu-sustain ang asosasyon.”

May sistema ang grupo sa pag-aalaga ng mga manok kung saan salitan ang mga miyembro sa trabaho. Ito ay paraan para lahat ay may pantay na responsibilidad, tuloy-tuloy ang kita, at manatiling malusog ang mga alaga. Dahil dito, patuloy ang suplay ng sariwa at abot-kayang itlog sa kanilang lugar.

Aktibo ring nakikibahagi ang mga miyembro sa mga pagsasanay sa produksyon, pinansyal na pamamahala, at marketing na ibinibigay ng SAAD. Sa tulong ng mga ito, natutunan nila ang mga makabagong paraan sa negosyo habang pinananatili ang diwa ng pagtutulungan. 

Ngayon, mula sa maliliit na magsasaka, sila ay naging mga agripreneurs at patuloy na pinatutunayang ang mga katutubo ay kayang maging  mahusay na katuwang sa pag-unlad.

Mula sa pag-angkat sa ibang isla tungo sa sariling produksyon

Bago dumating ang proyekto, umaasa ang mga taga-Agutaya sa mga itlog na inaangkat pa mula sa Cuyo, Iloilo, at Mindoro. Pero ngayon, dahil sa AbBaCa FA, may sarili na silang suplay ng itlog ng manok kahit sa panahon ng habagat kung kailan mahirap bumiyahe sa dagat.

Pagbabahagi ni Bacosa, “Nung hindi pa po dumadating yong RTL ng SAAD, ‘yong isla ng Agutaya ay kumukuha ng mga itlog na ibinebenta sa tindahan sa Cuyo, Iloilo o Mindoro. Subalit ‘nong dumating po ang SAAD ay kami na po ang nagsusuplay sa buong Agutaya ng itlog. Presyong mamamayan, presyong Agutaya, presyong Agutaynen!”

Dagdag negosyo: Rice Retailing

Noong Hunyo 2025, pinalawak ng asosasyon ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng pagbebenta ng bigas. Layunin nilang magkaroon ng karagdagang mapagkakakitaan at makatulong na tugunan ang pangangailangan sa suplay ng bigas ng kanilang mga kababayan.

Gamit ang Php 25,000 mula sa kita ng egg project, bumili sila ng 10 sako ng bigas bilang panimulang puhunan. Ibinebenta nila ito sa halagang Php 1,500 bawat sako, kung saan nagmumula pa ang kanilang suplay sa mga isla ng Cuyo at Mindoro.

Simula noon, nakapagbenta na sila ng 55 sako ng bigas na tig-25 kg at kumita ng Php 16,940 net income. Napagkasunduan ng grupo na hindi muna hatiin ang kita, kundi ipunin muna ito para mapalago pa ang negosyo —patunay ng kanilang maayos na pamamahala at pangmatagalang pagpaplano.

Tiwala, tradisyon, at pag-unlad

Ang tagumpay ng AbBaCa FA ay patunay ng magandang ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at lokal na komunidad. Sa kabila ng layo ng Agutaya mula sa mainland Palawan, narating ng SAAD Program ang kanilang isla, nagtiwala sa kakahayan ng samahan, at nagdala ng pag-asang binigyang-buhay ng mga kasapi.

“Ang SAAD ay napakalaking tulong sa amin. ‘Yan po yong aming pinasasalamatan bilang farmers, nagbigay sila sa amin ng malaking oportunidad na kumita. Hindi po itong kita lang ng samahan, sa paglibot ng mga taon, nandoon pa rin ‘yong buhay na binigay ng SAAD,” mensahe ni Bacosa.

Sa pamamagitan ng sipag, pagkakaisa, at maayos na pamumuno, pinatutunayan ng mga magsasakang Agutaynen ng AbBaCa FA na kahit sa isang malayong isla, kayang lumikha ng oportunidad at pag-unlad hindi lamang ng kanilang mga pamilya, kundi pati ang buong komunidad ng Agutaya. 

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.