Pormal nang itinurn-over ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA sa pangunguna ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang isang unit ng Solar Powered Greenhouse na may Hydroponics System sa Provincial Government ng Oriental Mindoro.
Ang naturang pasilidad, na itinayo sa Provincial Techno Demo Farm sa Merit, Victoria, Oriental Mindoro, ay may kabuuang halaga na Php1,317,363.22 na pinondohan sa ilalim ng DA - MIMAROPA National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP). Layunin ng inisyatibong ito na isulong ang napapanatiling produksyon ng gulay sa pamamagitan ng mga climate-resilient technologies.
Ang proyekto ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya ng NUPAP na palakasin ang seguridad sa pagkain sa mga lungsod at karatig-pook, bawasan ang gastos sa transportasyon, at magbigay ng oportunidad sa pangkabuhayan para sa komunidad.
Sa pamamagitan ng makabagong greenhouse na ito, ninanais ng DA MIMAROPA NUPAP na ipakita ang potensyal ng vegetable production gamit ang hydroponics system at hikayatin ang sektor ng agrikultura na gamitin ang mga makabagong teknolohiya upang mapataas ang antas ng produksyon sa lalawigan.
Samantala, tiniyak din ng DA MIMAROPA ang pagbibigay ng mga kinakailangang agricultural inputs para sa unang cycle ng produksyon ng naturang pasilidad.
Inaasahan na ang greenhouse na ito ay magsisilbing showcase window para sa urban agriculture technologies sa komunidad. Higit pa sa produksyon, magsisilbi rin itong mahalagang sentro para sa pananaliksik o research and demo area upang lalo pang mapahusay ang sistemang hydroponics. Magiging bukas din ang pasilidad bilang venue para sa aktwal na pag-aaral ng mga estudyanteng kumukuha ng kursong agrikultura, na magsisilbing pundasyon sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga modernong magsasaka.
Binigyang-diin naman ni Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas ang kahalagahan ng proyektong ito sa patuloy na modernisasyon ng pagsasaka sa rehiyon. Ayon sa kanya, ang paglulunsad ng mga ganitong pasilidad ay patunay ng dedikasyon ng kagawaran na iangat ang kabuhayan ng mga Mindoreño sa pamamagitan ng inobasyon.
Aniya, “Ang proyektong ito ay isang hakbang tungo sa ating pangarap na mas matatag at masaganang agrikultura. Hindi lamang tayo nagtatayo ng greenhouse; nagbibigay tayo ng solusyon sa hamon ng climate change at maayos na landas para sa ating mga kabataang agri-students na maging lider sa larangan ng modernong pagsasaka.”
