News and Events

Market Linkage Caravan, isinagawa upang palakasin ang kita ng mga magsasaka sa Oriental Mindoro
Sa pamamagitan ng caravan at sa suporta ng AMAD at F2C2 Program, matagumpay na naibenta ni G. Elmer Agayhay, President ng San Juan San Roque Livelihood Farmers Association, ang 188 kilo ng ube sa Jamla Corporation.

Market Linkage Caravan, isinagawa upang palakasin ang kita ng mga magsasaka sa Oriental Mindoro

VICTORIA, Oriental Mindoro - Upang palakasin ang ugnayan sa pagitan ng mga lokal na producer at institutional buyer, matagumpay na idinaos ang Market Linkage Caravan noong Pebrero 3, 2026, sa Provincial Demonstration Farm, Brgy. Merit, Victoria, Oriental Mindoro, sa ilalim ng pagtutulungan ng Oriental Mindoro Provincial Agriculturist’s Office (PAgO) at ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD).

Ang aktibidad ay dinaluhan ng 48 na magsasaka, kabilang ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang Farmers Associations at Cooperatives, kasama ang mga Agricultural Extension Workers at Municipal Agriculturists mula sa lalawigan.

Layunin ng programa na direktang makipag-ugnayan ang mga lokal na producer sa walong (8) malalaking institutional buyers gaya ng Jamla Corporation, R. Rodriguez Non-Specialized Wholesale Trading, Berroya Corporation, LMercado Agri Farms, JNRM Group of Companies, KLT Fruits, Inc., Global Organic and Wellness Corporation, at Dry Tech Manufacturing Corporation.

Sa gitna ng aktibidad, ipinakita ng mga institutional buyers ang kanilang mga demand requirements at product specifications upang magsilbing gabay sa mga magsasaka sa kanilang produksyon. Ipinahayag ng mga mamimili ang kanilang kagalakan sa direktang pakikipag-ugnayan sa mga producer, habang ang mga magsasaka naman ay nagkaroon ng pagkakataong sumailalim sa one-on-one consultations upang talakayin ang mga potensyal na partnership.

Sa pamamagitan ng caravan, nagkaroon ng pagkakataon si Elmer Agayhay, President ng San Juan San Roque Livelihood Farmers Association, na maibenta ang nasa 188 kilo ng ube na na-ani ng kanilang asosasyon sa Jamla Corporation sa tulong na rin ng AMAD at Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program (F2C2).

Ayon kay Agayhay, “Napakalaking tulong ng caravan na ito para sa aming mga magsasaka. Dahil sa pag-uugnay ng AMAD at F2C2 sa amin sa Jamla Corporation, mabilis naming naibenta ang aming ani sa tamang halaga.”

Inaasahang higit pang lalago ang tagumpay ng San Juan San Roque Livelihood Farmers Association, gayundin ang iba pang samahan at kooperatiba sa lalawigan, sa tulong ng Oriental Mindoro Trading and Consolidation Facility. Sa inagurasyong pinangunahan ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., binigyang-diin niya na ang naturang pasilidad ay magsisilbing maayos na imbakan ng mga produkto mula sa Mindoro bago ang mga ito ipadala sa malalaking mamimili sa Maynila at karatig-lalawigan.

“Production, processing, logistics, and markets working together - so farmers are no longer price takers, but active players in the value chain,”  ani Sec. Tiu Laurel.

Ang inisyatibong ito ay isa sa mga hakbang para sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa Oriental Mindoro sa pamamagitan ng paglalapit ng mga magsasaka sa mas malalaking oportunidad sa kalakalan.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.