News and Events

Mahigit 11,000 pakete ng binhing gulay, ipinamahagi ng DA - SAAD MIMAROPA sa 22 samahan ng mga magsasaka

Mahigit 11,000 pakete ng binhing gulay, ipinamahagi ng DA - SAAD MIMAROPA sa 22 samahan ng mga magsasaka

Umabot sa 11,630 pakete ng iba’t ibang uri ng binhing gulay na nagkakahalaga ng Php777,787.50 ang ipinamahagi ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA sa 22 samahan ng mga magsasaka sa Occidental Mindoro, Romblon, at Palawan kamakailan.

Sa kabuuang bilang ng mga binhing ipinamahagi, 9,760 pakete ang napunta sa 16 na samahan sa Romblon, 960 pakete sa tatlong (3) samahan sa Occidental Mindoro, at 910 pakete naman sa tatlong (3) samahan sa Palawan.

Labindalawang (12) samahan ang kasalukuyang namamahala ng gulayan, habang 10 asosasyon naman ang may diversified farming system kung saan kasabay ng pagtatanim ng gulay ay nag-aalaga rin sila ng mga hayop at manok.

Kabilang sa mga ipinamahaging binhi ang ampalaya, talong, sitaw, okra, kalabasa, siling haba, at pechay. Inaasahang itatanim ang mga ito sa mga communal farm ngayong tag-ulan upang masuportahan ang maayos na pagtubo ng mga pananim at mapabuti ang ani ng mga benepisyaryo.

Bahagi ang nasabing inisyatibo ng patuloy na pagsisikap ng programa na mapalakas ang seguridad sa pagkain, mapataas ang produksyon ng mga magsasaka, mabawasan ang gastusin sa produksyon, at makatulong sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan.

Binigyang-diin ni DA MIMAROPA Regional Executive Director at SAAD MIMAROPA Regional Focal Person Atty. Christopher R. Bañas ang patuloy na suporta ng Kagawaran sa produksyon ng gulay sa buong rehiyon at nanawagan ng wastong paggamit ng mga ipinagkakaloob na interbensyon upang tumaas ang ani at kita ng mga magsasaka.

“Maliban sa mga palay, mais, at iba pang pananim, patuloy rin nating pinalalakas ang produksyon ng gulay sa buong rehiyon. Sa pamamagitan ng SAAD Program, inaasahan nating maitataguyod ng ating mga benepisyaryo ang maayos na pagtatanim ng lahat ng binhing kanilang natanggap upang makatulong sa pagtaas ng kanilang kita sa panahon ng anihan,” ani RED Bañas.

Bago ang pamamahagi ng mga binhi, nagsagawa rin ang DA-SAAD MIMAROPA ng mga specialized training sa vegetable production at postharvest management upang matiyak ang wastong paggamit ng mga ipinamahaging interbensyon, pagpapalakas ang produksyon, at pagpapatuloy ng mga proyektong pangkabuhayan ng mga benepisyaryo tungo sa pagkakaroon ng sustenableng Community-Based Enterprise (CBE).