Isinagawa ng Department of Agriculture–MIMAROPA Rice Program ang pagdiriwang ng National Rice Awareness Month (NRAM) noong Nobyembre 12, 2025 sa Tacligan Elementary School sa San Teodoro, Oriental Mindoro. Lumahok dito ang 368 estudyante, 15 guro, at 2 kawani ng paaralan na layuning hikayatin ang kabataan na magkaroon ng mas malusog at mas responsableng pagkonsumo ng bigas.
Binigyang-diin ng programa ang kahalagahan ng pagpili ng masustansiyang uri ng bigas tulad ng brown rice at ang pag-iwas sa pagtapon ng pagkain bilang suporta sa mga lokal na magsasaka at para sa mas mabuting kalusugan. Tinalakay sa mga bata ang Rice ABKD na sinundan ng isang interactive na question-and-answer session upang mas mapalalim ang kanilang pang-unawa at pagpapahalaga sa bigas bilang pangunahing pagkain.
Nagsagawa rin ng masayang palaro na may kaugnayan sa kaalaman sa bigas upang maging mas masaya at interaktibo ang pagkatuto. Bilang bahagi ng promosyon sa malusog na pagkain, nagkaroon ng feeding activity kung saan ipinares ang champorado at arrozcaldo na gawa sa brown rice.
Ayon kay Provincial Rice Coordinator Ms. Rochelle Alcobera, “Hinihikayat namin ang mga bata na kumain ng brown rice,” na sinang-ayunan naman ng mga estudyante. Nagpasalamat naman si G. Jay Bae, Principal III ng Tacligan Elementary School sa DA–RFO MIMAROPA “sa pagpili sa kanilang paaralan bilang venue ng NRAM celebration at sa kaalamang ibinahagi sa mga estudyante.”
Matagumpay na naitaas ng aktibidad ang kamalayan hinggil sa responsableng pagkonsumo ng bigas, pagpapahalaga sa lokal na magsasaka, at paggamit ng masustansiyang alternatibo tulad ng brown rice, mais, at saging—na higit pang nagpapatibay sa layuning magkaroon ng mas malusog at rice-responsible na komunidad.
