Nakiisa ang Department of Agriculture – MIMAROPA sa isinagawang Senate Public Hearing noong Pebrero 5, 2026 sa Sitio Mariahangin, Barangay Bugsuk, Balabac, Palawan kaugnay ng Senate Resolution No. 200 na naglalayong maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng Indigenous Molbog Community.
Pinangunahan ang pagdinig ni Senador Robinhood Padilla kasama ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). Dumalo mula sa DA-MIMAROPA sina Regional Technical Director for Operations Emerson T. Yago, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) ng Palawan Vicente A. Binasahan Jr., at Regional Focal Person for Special Concerns Engr. Maria Teresa Carido. Kasama rin ang mga kinatawan mula Halal Program at Special Area for Agricultural Development (SAAD).
Sa naturang pagdinig, tinalakay ang kasalukuyang kalagayan at mga pangunahing pangangailangan ng Indigenous Molbog Community, kabilang ang usapin kaugnay ng paghahain ng mga kasong may kinalaman sa umano’y illegal fishing laban sa ilang miyembro ng komunidad noong 2025. Inilahad din ang mga posibleng interbensyon at suportang maaaring ipagkaloob ng Department of Agriculture, tulad ng pagpapatibay ng mga programang pangkabuhayan, pagbibigay ng teknikal na tulong sa sektor ng agrikultura at pangisdaan, at pagpapatupad ng mga proyektong naglalayong mapalakas ang seguridad sa pagkain at pangmatagalang kabuhayan ng mga katutubo sa Isla ng Mariahangin.
Patuloy na pinagtitibay ng DA-MIMAROPA ang aktibong pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at mga kinatawan ng katutubong pamayanan upang isulong ang inklusibo at sustenableng pag-unlad sa buong rehiyon.
