Lumagda ang Department of Agriculture–MIMAROPA (DA-MIMAROPA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa pagpapatupad ng 29 farm-to-market road (FMR) projects na nagkakahalaga ng kabuuang ₱430 milyon sa iba’t ibang bahagi ng MIMAROPA Region.
Isinagawa ang paglagda sa kasunduan noong Setyembre 28 sa DPWH Regional Office sa Quezon City, bilang bahagi ng pagpapatupad ng mga FMR project na nakapaloob sa General Appropriations Act (GAA) ng DA para sa Fiscal Year 2026.
Pinangunahan para sa DA-MIMAROPA ni OIC-Regional Technical Director for Operations Ronald A. Degala, bilang kinatawan ni Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas, ang paglagda sa kasunduan. Kasama rin mula sa DA-MIMAROPA sina Regional Agricultural Engineering Division Chief Engr. Annielyn L. Del Rosario at Asst. Chief/FMR Focal Person Engr. Anya Marica I. Avelino.
Mula naman sa DPWH, dumalo sina Regional Director Rosita A. Tinawin at Assistant Regional Director Richard A. Ragasa, kasama ang mga District Engineer mula sa mga tanggapan ng DPWH sa MIMAROPA: Richard Emmanuel P. Ragragio ng Marinduque; OIC-District Engineer Junie A. Lupango ng Occidental Mindoro; Romelda A. Bangasan ng Oriental Mindoro; OIC-District Engineer Rochel D. Hermano ng Palawan 2nd District; Amelia B. Fajardo ng Palawan 3rd District; OIC-District Engineer Boy Alexis E. Miñano ng Romblon; at Annielyn E. Padullo ng Southern Mindoro.
Sa ilalim ng kasunduan, magtutulungan ang DA-MIMAROPA at DPWH sa pagpapatupad ng mga proyekto upang mapabuti ang koneksyon ng mga agricultural production area sa mga pamilihan at pangunahing lansangan.
Binigyang-diin naman ni DA-MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas ang kahalagahan ng pagpapatupad ng FMR projects sa pagpapabuti ng daloy ng mga produktong agrikultural mula sa mga production area patungo sa merkado.
“Ang farm-to-market road ay ay makakatulong ng direkta sa ating mga magsasaka upang mas mapadali at mapabilis ang pagdadala ng kanilang ani sa pamilihan. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan natin sa DPWH, nais nating matiyak na ang mga proyektong ito ay maipatutupad nang maayos at tunay na mapapakinabangan ng ating mga agricultural communities,” ani RED Bañas.
Ang pondo para sa mga proyekto ay ililipat sa DPWH batay sa approved project milestones at sa pagsusumite, validation, at acceptance ng kinakailangang technical, physical, at financial reports. Nakasaad sa MOA na ang pondo ay ilalabas sa hindi bababa sa tatlong tranche upang matiyak ang maayos na monitoring at paggamit nito. Sa ilalim ng kasunduan, magtutulungan ang DA-MIMAROPA at DPWH upang matiyak na ang mga FMR project ay maipatutupad alinsunod sa itinakdang technical standards at project requirements.
Sa pamamagitan ng ₱430 milyong halaga ng 29 FMR projects, layunin ng pamahalaan, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na mapahusay ang koneksyon ng mga sakahan sa mga pamilihan, mapadali ang transportasyon ng mga produktong agrikultural, at makatulong sa pagbawas ng logistics constraints na kinakaharap ng mga magsasaka sa rehiyon.
