News and Events

98 magsasaka ng mais sa Romblon, sinanay ng SAAD sa GAP at postharvest management

98 magsasaka ng mais sa Romblon, sinanay ng SAAD sa GAP at postharvest management

Nagsagawa ng pagsasanay sa Good Agricultural Practices (GAP) para sa produksyon ng mais at postharvest management ang Department of Agriculture - Special Area for Agricultural Development (DA - SAAD) MIMAROPA para sa 98 magsasaka ng mais sa Romblon kamakailan.  Layunin nito na mapataas ang kanilang produksyon, mabawasan ang pagkalugi, at madagdagan ang kanilang kita.

Dumalo sa pagsasanay ang mga miyembro ng Hinag-oman Lowland and Upland Integrated Farmers Association, Hinag-oman Corn, Cassava and Vegetable Growers Association, at Claro M. Recto Corn and Cassava Farmers Association sa bayan ng Ferrol. Nakibahagi rin ang mga miyembro ng Suong Farmers Association, gayundin ng Camili, Bonlao, at Calagonsao Corn Growers Associations sa bayan ng Alcantara.

Naging resource speakers sina Engr. Wally Boy F. Falcutila, Provincial Corn Program Coordinator ng Romblon, at Mr. Sandy A. Bantang ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg).

Tinalakay ni Engr. Falcutila ang mga wastong pamamaraan sa produksyon ng mais, kabilang ang paghahanda ng lupa, pagpili ng binhi, tamang pagtatanim, paglalagay ng pataba, at pag-aani. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng regular na monitoring sa sakahan upang maiwasan ang pagdami ng peste, pagkalat ng sakit, at kakulangan sa sustansya ng pananim.

Samantala, ibinahagi naman ni Mr. Bantang ang mga prinsipyo ng Integrated Pest Management (IPM) at mga maka-kalikasang pamamaraan sa pagkontrol ng peste at sakit sa taniman ng mais. Tinalakay rin niya ang kahalagahan ng wastong kalinisan sa sakahan, paggamit ng biological control, at responsableng paggamit ng pestisidyo upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga magsasaka at mamimili, gayundin ang kapaligiran.

Nagkaroon din ng talakayan kung saan ibinahagi ng mga kalahok ang mga karaniwang hamon na kanilang nararanasan sa pagtatanim ng mais at humingi ng mga rekomendasyon mula sa mga resource speakers.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Margie Miñano, pangulo ng Suong Farmers Association, sa SAAD Program at sa mga naging tagapagsanay nila para sa mga kaalaman at kasanayang kanilang natutuhan sa aktibidad.

“Nagpapasalamat po kami sa SAAD sa patuloy na pagpapaunlad ng aming mga kaalaman sa pagtatanim ng mais at sa mga interventions na aming natatanggap,” ani Miñano.

Bahagi ang naturang pagsasanay ng Food Production and Livelihood (FPL) component ng SAAD Phase 2 na naglalayong mapalakas ang teknikal na kakayahan ng mga benepisyaryo, mapataas ang ani ng mais, at masuportahan ang pagpapatuloy ng kanilang mga proyektong pangkabuhayan sa pamamagitan ng sustenableng pamamaraan ng produksyon.