News and Events

₱4.5 milyong KADIWA assistance, nagsisilbing inspirasyon sa pagpapatuloy ng pagsasaka ng mga Narranon

₱4.5 milyong KADIWA assistance, nagsisilbing inspirasyon sa pagpapatuloy ng pagsasaka ng mga Narranon

Para kay Nenita Repalda, tagapangulo ng Elvita Farmers Multipurpose Cooperative (ELFAMCO), ang ₱4.5 milyong halaga ng KADIWA assistance na ipinagkaloob sa kanilang kooperatiba at Pamahalaang Bayan ng Narra ay higit pa sa karagdagang puhunan, kagamitan, at suporta sa pagdadala ng mga produkto.

Para sa kanya at sa mga magsasakang kanyang kinakatawan, ang naturang tulong ay isang inspirasyon upang ipagpatuloy ang kanilang dedikasyon sa pagsasaka at serbisyo sa komunidad.

“Nawa’y maging inspirasyon ang araw na ito sa ating lahat upang ipagpatuloy ang dedikasyon at serbisyo sa ating mga magsasaka at sa komunidad,” ani Repalda.

Ang mensaheng ito ay sumasalamin sa layunin ng mga interbensyong ipinagkaloob ng Department of Agriculture (DA) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) sa ilalim ng KADIWA Financial Grant Assistance Program—hindi lamang upang tugunan ang pangangailangan sa pagmemerkado at paghahatid ng mga produktong agrikultural, kundi upang mabigyan din ang mga magsasaka ng mas maraming pagkakataong maipagpatuloy at mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Noong Agosto 19, 2026, tumanggap ang ELFAMCO ng KADIWA Center, trading capital, at marketing materials na nagkakahalaga ng kabuuang ₱2.5 milyon. Samantala, ipinagkaloob sa Pamahalaang Bayan ng Narra ang isang hauling truck na nagkakahalaga ng ₱2 milyon at may kapasidad na 6,000 kilo.

Magsisilbing sentro ng pagbebenta at promosyon ng mga ani at produktong agrikultural ang KADIWA Center, habang ang trading capital ay magsisilbing karagdagang puhunan upang suportahan ang operasyon ng ELFAMCO at mapalawak ang pamilihan para sa kanilang mga produkto.

Mahalaga ang naturang suporta para sa isang kooperatibang binubuo ng mga magsasaka, lalo na sa pagbibigay sa kanila ng mas matatag at direktang access sa merkado. Sa pamamagitan ng KADIWA Center, nagkakaroon sila ng pagkakataong direktang maipagbili ang kanilang mga produkto sa mga mamimili.

Binigyang-diin ito ni Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs Atty. Genevieve E. Villacaria-Guevarra, na nagsabing ang KADIWA Center ay nagbibigay sa mga magsasaka ng mas direktang daan patungo sa merkado.

“Ang mga produkto ninyo ay hindi na ninyo kailangang ibenta sa mga trader na bumibili sa mababang presyo. At the same time, hindi na rin po kayo mamomroblema kung saan kayo pupwesto sa palengke dahil sa pamamagitan ng KADIWA Center, binibigyan kayo ng pagkakataong direktang maibenta ang inyong mga produkto sa mga mamimili,” ani Guevarra.

Inagurasyon ng Kadiwa hauling truck

Bukod sa pagbibigay ng mas maayos na pagkakataon sa pagbebenta, inaasahan ding makatutulong naman ang hauling truck sa pagpapadali ng pagdadala ng mga ani mula sa mga production area patungo sa mga pamilihan at iba pang destinasyon.

Para kay Narra Acting Mayor Edmond Gastanes, ang naturang suporta ay malaking tulong hindi lamang sa mga magsasaka at kooperatiba kundi maging sa lokal na pamahalaan.

“Napakalaking tulong po nito sa ating mga farmers, cooperatives, maging sa LGU. Sa pamamagitan ng hauling service, mas mapapadali ang pagdadala ng mga produkto ng ating mga magsasaka at mas mabibigyan sila ng pagkakataong maibenta ang kanilang mga produkto sa mas maayos na paraan,” ani Gastanes.

Mahalaga ang mga interbensyong ito sa Narra, na kinikilala bilang “Rice Granary of Palawan” dahil sa mahalagang papel nito sa produksyon ng palay sa lalawigan. Sa pamamagitan ng KADIWA Center at hauling truck, inaasahang higit pang mapalalakas ang agricultural value chain sa bayan—mula sa produksyon at pagdadala ng mga ani hanggang sa direktang pagbebenta ng mga ito sa mga mamimili.

Para kay DA-MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas, ang mga naturang interbensyon ay hindi lamang simpleng suporta sa mga magsasaka kundi bahagi rin ng pagsasaayos ng supply chain upang makinabang kapwa ang mga producer at consumer.

“Kapag mas maayos ang supply chain at mas direktang naiuugnay ang producer sa consumer, mas nagkakaroon tayo ng pagkakataong magkaroon ng sapat, sariwa, dekalidad, at mas abot-kayang produktong pagkain,” aniya.

Ang benepisyo ng KADIWA ay ramdam hindi lamang ng mga magsasaka kundi maging ng mga mamimili. Para kay Rosalinda Mantal, isa sa mga mamimiling bumisita sa kooperatiba, malaking tulong ang KADIWA dahil nagbibigay ito ng pagkakataong makabili ng sariwa at abot-kayang gulay kumpara sa karaniwang presyo sa palengke.

“Bumili po ako ng mga gulay kasi mas mura po ito kumpara sa palengke. Sariwa na po, mura pa, kaya dito po kami sa KADIWA bumili,” ani Mantal.

Sa pagkakaroon ng mas direktang ugnayan sa pagitan ng mga magsasaka at mamimili, mas nagiging malinaw ang layunin ng KADIWA: ang mabigyan ng mas maayos na pamilihan ang mga producer habang natutugunan naman ang pangangailangan ng mga mamimili para sa sariwa, dekalidad, at abot-kayang pagkain.

Higit sa halaga ng mga kagamitan at pondong kanilang natanggap, ang ₱4.5 milyong KADIWA assistance ay nagsisilbing inspirasyon upang magpatuloy—para sa mga magsasaka, sa kanilang kooperatiba, at sa kinabukasan ng pagsasaka sa Narra.

Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng Department of Agriculture, sa ilalim ng KADIWA Financial Grant Assistance Program, na palakasin ang ugnayan ng mga magsasaka sa pamilihan, suportahan ang kanilang mga gawaing pangkalakalan, at mapataas ang kanilang kita at kabuhayan.