Sumailalim sa pagsasanay ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ang 25 kasapi ng Central Algeciras Farmers Association (CAFA) sa Brgy. Algeciras, Agutaya, Palawan upang mapalakas ang kanilang kaalaman sa ready-to-lay chicken (egg) production at agri-enterprise.
Ikatlo ng Setyembre, isinagawa ang Specialized Training on RTL Chicken (Egg) Production na pinangunahan ni Magsaysay Community Development Officer II Vilmar J. Robes. Tinalakay ni Robes ang wastong pamamaraan ng pag-aalaga ng manok, pagpapakain, kalinisan, mahusay na produksyon ng itlog, at iba pa.
Kasunod nito, ikaapat naman ng Setyembre nang nagsagawa si Agutaya Community Development Officer II Oliver P. Moncatar ng Training on the Fundamentals of Agri-Enterprise and Basic Marketing na tumutok sa pagpapalawak ng kaalaman sa pagnenegosyo at tamang pagbebenta ng produkto.
Layunin ng mga nasabing pagsasanay na ihanda ang mga benepisyaryo sa teknikal at pangkabuhayang aspeto bago ang pagdating ng mga interbensyon sa ilalim ng proyekto.
Lubos ang pasasalamat ng mga kasapi ng asosasyon sa oportunidad na matuto. Ayon kay Hilda Manalon, pangulo ng CAFA, “Isang napakahalagang training ito dahil marami kaming natutunan tulad ng pag-aalaga ng manok, paglilinis, at pagpapakain. Sa bumubuo ng SAAD, kami po sa Brgy. Algeciras ay buong pusong nagpapasalamat sapagkat isa kami sa naging benepisyaryo ng inyong programa.”
Ipinahayag din ni Barangay Captain Victorio Cataylo na malaking tulong ang proyekto para sa kanilang komunidad. “Napakalaking bagay po ito sa aming barangay, magbibigay po ito ng livelihood at karagdagang income sa kanila dito sa aming barangay kung saan halos lahat ng aming mamamayan ay nasa below poverty ang katayuan sa buhay,” aniya.
Isa ang CAFA sa 15 asosasyon sa ilalim ng 2025 expansion ng SAAD Program sa MIMAROPA. Matatagpuan sa malayong Isla ng Algeciras, pinili ng grupo ang RTL chicken (egg) production upang makatulong na tugunan ang pangangailangan sa sariwang itlog ng manok sa kanilang lugar, na inaangkat pa mula sa Mindoro, mainland Agutaya, at sa Cuyo, Palawan.
