News and Events

20,000 seedlings ng liberica coffee, ipinamahagi ng DA MIMAROPA sa magsasaka ng Oriental Mindoro

20,000 seedlings ng liberica coffee, ipinamahagi ng DA MIMAROPA sa magsasaka ng Oriental Mindoro

Alinsunod sa direktiba ni Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas na paigtingin ang produksyon ng high-value crops, ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA ang kabuuang 20,000 punla ng Liberica coffee na nagkakahalaga ng ₱600,000 sa tatlong samahan ng mga magsasaka sa Oriental Mindoro.

Ang distribusyon ay pinangunahan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) na naglalayong magbigay ng alternatibong pagkakakitaan sa mga magsasaka at katutubo, gayundin ang mapaunlad at mapalakas ang lokal na industriya ng kape sa rehiyon. 

Ang mga nakatanggap na samahan ay ang Mahabang Parang Farmers Association na nakatanggap ng 5,000 seedlings, Samahang Ligtas sa Kabukiran sa Tribong Alangan Patungo sa Kaunlaran ng Kape at Ibang Pagkakakitaan na biniyayaan din ng 5,000 seedlings, at ang Bulalacao Coffee Farmers Association na tumanggap ng 10,000 seedlings.

Pinangunahan ang distribusyon ni Agricultural Technician II Ralph Chester Burgos na sinaksihan ng mga miyembro ng mga nasabing samahan.

Ayon kay Alfonso Mercado, pangulo ng Mahabang Parang Farmers Association, malaking tulong ang natanggap na pananim at gagawin nila ang lahat ng makakaya upang pagandahin at maipamahagi ito nang maayos sa kanilang mga kasapi.

“Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa aming natanggap na pananim na kape na nagbuhat sa Department of Agriculture. Gagawin po namin ang aming lahat ng makakaya upang pagandahin ang ipinagkaloob na ito sa amin para itanim at ipamahagi sa aming mga kasapi,” aniya.

Nagpaabot din ng taos-pusong pasasalamat si Berto Kalde, pangulo ng Samahang Ligtas sa Kabukiran sa Tribong Alangan, at nangakong itatanim nang maayos ang mga seedlings upang pakinabangan ng buong miyembro. 

“Kami po ay nagpapasalamat ng maraming-marami sa mga tumulong sa amin para sa aming taniman. Itatanim po namin ito nang maayos upang mapakinabangan ng mga miyembro,” ayon kay Kalde.